Junior Altas back-to-back champion
MANILA, Philippines — Hinirang ang University of Perpetual Help System DALTA Juniors Altas bilang back-to-back champions ng NCAA Season 99 track and field competition na idinaos sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagtakbo ang mga Junior Altas ng kabuuang 804.5 points sa 18 events para ungusan ang Jose Rizal Light Bombers (657.25 points) at Arellano Braves (503 points).
Kumolekta ang tropa ng 13 gold, 3 silver at 2 bronze medals sa pagbabalik ng track and field event matapos ang pandemya noong 2020.
Tinanghal si Junior Altas head coach Philip Silloco bilang Coach of the Year.
Humakot si Rookie of the Year/Most Valuable Player Marvin Ramos ng apat na gold medals sa boys’ 100-meter run, long jump, 4x100m relay at 4x400m relay.
Sinira naman ni Kervy Dianito ang 2015 NCAA record na 55.07m ni Marjoe Igbalic sa javelin throw para sa bago niyang 59.4m mark at angkinin ang gintong medalya.
Nag-ambag ng ginto si Maximo Suico sa boys’ 400 meters hurdles sa kanyang bilis na 58.25 segundo.
Samantala, pinagharian ng Jose Rizal Heavy Bombers ang seniors’ division sa naitalang 826.5 points kasunod ang Mapua (584 points) at Arellano (540 points).
- Latest