Carlo Paalam: Hello Paris!
Bacyadan pasok din Olympics
MANILA, Philippines — Sumuntok ng tiket si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam sa 2nd Olympic Qualifying Tournament na ginaganap sa Hua Mak Indoor Stadium sa Bangkok, Thailand.
Naitarak ni Paalam ang impresibong unanimous decision win laban kay Sachin Siwach ng India sa semifinals ng men’s 57-kilogram para matamis na kubrahin ang puwesto sa Paris Games.
Gaya ng inaasahan, mainit na ratsada ang inilabas ni Paalam kung saan hindi na nito pinaporma pa ang kaniyang karibal sa buong panahon ng laban para makuha ang panalo.
Nakapasok sa semis si Paalam matapos patumbahin sina Alexei Lagkazashvili ng Greece sa round of 64, Shukur Ovezov ng Turkmenistan sa round of 32 at Artur Bazeyan ng Armenia sa round of 16.
Kinailangan naman ni Paalam na dumaan sa butas ng karayom bago kunin ang panalo kay Jose Luis De Los Santos Feliz ng Dominican Republic sa quarterfinals.
Ito ang ikalawang appearance ni Paalam sa Olympic Games matapos ang kanyang matagumpay na pagkopo ng pilak sa Tokyo Olympics noong 2021.
Samantala, tinalo ni Hergie Bacyadan si Maryelis Yriza ng Venezuela, 5-0, sa women’s middleweight category papasok sa gold medal round.
Makakasama nina Paalam at Bacyadan sa Paris Olympics sina Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Sina Paalam at Bacyadan ang ika-15 Pinoy athlete na nakapasok sa Paris Games.
Nauna nang sumiguro ng tiket sina gymnasts Carlos Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar, weightlifters Elreen Ando, Vanessa Sarno at John Ceniza, at pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena.
Masaya sina Petecio sa tagumpay ni Paalam.
“Babalik sa Olympics na magkasama ulit! Sobrang saya ko at pasok tayong tatlo ulit!. Paris, here we go! We are coming,” ani Petecio sa kaniyang post sa social media.
Nagbigay din ng mensahe si Marcial sa katropa nitong si Paalam.
“Paris Olympics let’s go! I am very proud of you Loy! Congratulations!!!” ani Marcial.
- Latest