Alas Pilipinas umukit ng kasaysayan
MANILA, Philippines — Gumawa ng kasaysayan ang Alas Pilipinas mula sa kanilang podium finish sa Asian Volleyball Confederation (AVC) tournament makaraan ang 63 taon.
Ito ay matapos talunin ng mga Pinay spikers ang Australia, 25-23, 25-15, 25-7, para kunin ang bronze medal ng 2024 AVC Challenge Cup for Women kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Pumalo si collegiate star Angel Canino ng 14 points tampok ang 13 attacks habang may 13 at tig-10 markers sina Sisi Rondina, Eya Laure at 6-foot-2 Thea Gagate, ayon sa pagkakasunod.
Ang magandang produksyon ng Alas Pilipinas ay mula sa ball distribution ni team captain at setter Jia De Guzman.
“I’m just really blessed to be able to play with such talented girls from different generations with a very talented coaching staff,” sabi ng 29-anyos na si De Guzman.
“Sobrang thankful ko lang talaga na I was given this opportunity to be a leader of this team of such a great talent,” dagdag pa ng Pinay import ng Denso Airybees sa Japan V.League Division 1.
Ito ang unang medalya ng mga Pinay spikers matapos pumalo ng dalawang tanso sa 2019 Southeast Asian (SEA) V. League legs sa Nakhon Ratchasima, Thailand at sa Santa Rosa, Laguna.
Nauna nang binigo ng Alas Pilipinas ang Australia sa pool play, 22-25, 25-19, 25-16, 25-21, sa kanilang unang laro noong Mayo 23.
Samantala, inangkin ng India ang fifth place matapos gibain ang Iran, 25-17, 25-16, 25-11, habang kinuha ng Indonesia ang seventh place matapos walisin ang Hong Kong, 25-15, 25-19, 25-20.
- Latest