Yulo tututok na sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni world champion Carlos Edriel Yulo sa preparasyon nito para sa mas malaking laban na haharapin nito — ang Paris Olympics.
Sariwa pa si Yulo sa matagumpay na pagkopo ng apat na gintong medalya sa 2024 Asian Championships Men’s Artistic Gymnastics sa Tashkent, Uzbekistan.
Sa kabila ng maningning na kampanya sa Asian meet, walang balak tumigil si Yulo sa ensayo.
Kaya naman mas magiging matindi ang paghahanda nito upang magkaroon ng magandang resulta ang kanyang ikalawang Olympic stint.
“I am looking forward to continuing to work hard, push myself to new limits and see how far more we can achieve. I am so blessed and thankful for this moment,” ani Yulo.
Humakot si Yulo ng apat na ginto sa Asian Championships matapos pagharian ang men’s individual all-around, vault, parallel bars at ang kanyang paboritong floor exercise.
Mas matitinding pasabog pa ang inihahanda ni Yulo para sa Paris Olympics dahil mga world-class gymnasts ang makakalaban nito doon.
Nakatakdang magsanay si Yulo ng isang buwan sa Metz, France para magamay nito ang equipment na gagamitin sa Paris Games.
- Latest