Tropang Giga pasok sa quarters
MANILA, Philippines — Umiwas sa anumang komplikasyon ang TNT Tropang Giga matapos lamutakin ang Magnolia, 98-93, papasok sa quarterfinals ng Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nagsabit si Kelly Williams ng 19 points, 8 rebounds at 4 assists para sa 6-5 record ng Tropang Giga kapareho ng Hotshots at upuan ang No. 4 spot sa quarterfinals.
Nag-ambag si Jayson Castro ng 18 points, 7 assists at 4 boards habang may 13, 12 at 10 markers sina Brian Heruela, Calvin Oftana at Jewel Ponferada, ayon sa pagkakasunod.
“I think the most important thing in this game was the fight and the effort of the players coming off a very painful loss the last timeout to still come in with a lot of courage to play against a very strong Magnolia team,” ani TNT coach Chot Reyes.
Makakatapat ng PLDT franchise sa quarterfinals ang No. 5 Rain or Shine (6-5) sa isang best-of-three series.
Umiskor si Mark Barroca ng 22 points kasunod ang 21 markers ni Ian Sangalang sa panig ng Magnolia na posibleng malaglag sa No. 6 o No. 7.
Mula sa 16-14 abante sa first period ay umarangkada ang Tropang Giga sa second quarter para itayo ang 47-36 halftime lead patungo sa 56-38 kalamangan sa pagbubukas ng third canto.
Ilang beses humabol ang Hotshots, ang huli ay sa 88-95 mula sa nakaw play ni Barroca sa nalalabing 1:02 minuto ng fourth period.
Ang jumper ni Castro sa huling 40.6 segundo ang muling naglayo sa TNT sa 97-88 patungo sa panalo.
- Latest