Lapiz inialay ang panalo sa ina
MANILA, Philippines — Ang makatulong sa pagpapatayo ng bahay ng kanyang nanay sa Cebu City ang naging motivation ni Florendo Lapiz para pagharian ang men’s 42-kilometer division ng 2024 Milo National Marathon Manila Leg kahapon sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Nagsumite ang tubong Carcar, Cebu ng tiyempong 2:42:33 para angkinin ang una niyang Milo National Marathon leg title.
“Gagamitin ko po iyong premyo ko sa ipinapatayong bahay ng nanay ko na hindi pa tapos,” sabi ng 33-anyos na si Lapiz na nagtabi rin para sa kanyang sarili. “Bibili din ako ng bagong sapatos kasi luma na itong ginagamit ko eh.”
Inungusan ni Lapiz sa pagtawid sa finish line sina Salvador Polillo (2:49:54) at Wilfred Esporma (2:58:51).
Ito ang unang pagkakataon na tumakbo ang Cebuano sa Manila at inamin niyang hindi siya pamilyar sa race route.
“Parang nawala pa nga ako sa ruta, mabuti na lang may nasabayan akong (race) marshall, kaya nakabalik ako sa ruta Hindi ko kasi kabisado dito sa Manila,” ani Lapiz.
Malaki rin ang epekto sa kanyang isinumiteng oras ang mataas na heat index.
“Sobrang init dito hindi kagaya sa Cebu. Kaya mababa iyong time ko dito (Manila Leg) kumpara sa best time ko na 2:31:00,” ani Lapiz.
Wagi rin ang Cebuana runner na si Lizane Abella sa women’s 42K sa kanyang inilistang 3:21:05 kasunod sina 2023 winner Maricar Camacho (3:26:19) at Jewel De Luna (3:27:05).
Dahil sa kanilang panalo sa Manila Leg ay swak na sina Lapiz at Abella sa Milo National Marathon Finals sa Disyembre 1 sa Cagayan De Oro.
Samantala, nagdomina sina 2019 Southeast Asian Games gold medalist Christine Hallasgo (1:24:27) at Richard Salano (1:08:38) sa women’s at men’s 21K event.
- Latest