Petro Gazz, Cignal nagbitbit ng panalo
MANILA, Philippines — Kapwa tinapos ng Petro Gazz at Cignal HD ang elimination round ng 2024 PVL All-Filipino Conference sa pamamagitan ng panalo.
Pinabagsak ng Gazz Angels ang Nxled Chameleons, 22-25, 25-23, 25-23, 25-22, kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Petro Gazz ang eliminasyon bitbit ang 9-2 record para angkinin ang No. 1 spot sa Final Four kasunod ang Choco Mucho (9-2), Chery Tiggo (9-2) at nagdedepensang Creamline (8-3).
Magsisimula ang single-round robin semifinals sa Martes.
Humataw si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 26 points mula sa 22 attacks at apat na blocks para pamunuan ang Gazz Angels.
Nag-ambag si Jonah Sabete ng 12 markers at may tig-11 points sina MJ Phillips at Aiza Pontillas.
Bumanat si Ivy Lacsina ng 28 points para sa Chameleons (4-7).
Sa unang laro, winalis naman ng HD Spikers ang Capital1 Solar Spikers, 25-19, 25-17, 25-20, para sa kanilang ikalawang dikit na panalo.
Isinara ng Cignal ang kampanya sa 7-4 para sa sixth spot sa ilalim ng PLDT (8-3).
“As a team talaga, ang daming struggles during the conference, individually and sa team,” ani team captain Ces Molina na nagtala ng 12 points kagaya ni Rose Doria.
“So, I think ‘yung maging united pa rin kami until the end na kahit na hindi kami nakapasok, we stay as one,” dagdag nito.
- Latest