Chery Tiggo biyaheng semis

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Chery Tiggo bago opisyal na maibulsa ang huling tiket sa semifinal round ng 2024 PVL All-Filipino Conference.
Umeskapo ang Crossovers sa sibak nang Galeries Tower Highrisers, 26-24, 23-25, 19-25, 25-12, 15-9, kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagpasabog si Eya Laure ng 20 points mula sa 15 attacks at limang blocks para sa pang-pitong dikit na ratsada ng Chery Tiggo (9-2) papasok sa Final Four kasama ang Choco Mucho (9-2), nagdedepensang Creamline (8-2) at Petro Gazz (8-2).
“Iyong respeto na ibinigay namin sa Galeries, talagang ibinigay namin. Talagang nag-prepare kami para rito,” sabi ni Crossovers coach Kungfu Reyes sa Highrisers (3-8).
Umiskor si Ara Galang ng 13 markers para sa Chery Tiggo, habang may siyam at tig-pitong puntos sina Mylene Paat, Aby Marano, Cza Carandang at Ces Robles, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni France Ronqullio ang Galeries sa kanyang 15 points mula sa 12 attacks, dalawang aces at isang block.
Itinakas ng Crossovers ang 26-24 panalo sa first set, habang inangkin ng Highrisers ang 2-1 bentahe matapos agawin ang second at third set.
Nakatabla ang Chery Tiggo sa fourth set bago ilista ang 10-5 abante sa fifth frame.
- Latest