Varga, Buytrago bigo sa Japanese sa Beach Tour
MANILA, Philippines — Bigo mang maiposte ang ikalawang sunod na panalo ay nakuha pa rin nina Pinoy beach volleyball spikers Rancel Varga at James Buytrago ang top spot sa kanilang grupo sa preliminaries ng Smart Asian Volleyball Confederation (AVC) Beach Tour Nuvali Open kahapon.
Nakatikim sina Varga at Buytrago ng 22-20, 26-28, 13-15 kamalasan kina Japanese Kosuke Fukishima at Hiroki Dylan Kurokawa sa world-class Nuvali Sand Courts by Ayala Land sa Sta. Rosa, Laguna.
Nauna nang umiskor sina Varga at Buytrago ng straight win kina Yogi Hermawan at Ketut Ardana ng Indonesia para upuan ang No. 1 seat sa Pool H patungo sa Round of 16.
Sunod na lalabanan ng 5-foot-10 na si Varga at ng 6-foot-1 na si Buytrago sina Bintang Akbar at Sofyan Efendi ng Indonesia.
Natalo ang Indonesian pair kina Paul Burnett at Jack Pearse ng Australia, 12-21, 16-21.
Samantala, naglista rin ng 1-1 marka sina AJ Pareja at Ran Abdilla sa Pool D at haharapin sa Round of 16 sina Abdolhamed Mirzaali at Abolhassan Khakizadeh ng Iran.
Sa women’s division, yumukod sina Pinay bets Alexa Polidario at Jen Gaviola kina Japanese Riko Tsujimura at Takemi Nishibori, 5-21, 4-21, para sa kanilang 0-2 record.
Sa iba pang resulta wagi sina Desi Ratnasari at Nur Atika Sari ng Indonesia kina Anastassiya Ukolova at Mariya Peressetskaya ng Kazakhstan, 21-13, 17-21, 15-12.
Dinaig nina Patcharaporn Seehawong at Samitta Simarongnam ng Thailand sina Singaporean Eliza Chong at Huiying Ang, 21-12, 21-10, sa event na suportado ng Foton, Akari, Mikasa, Senoh, Seda, Asics, Cignal, One Sports, One Sports+ at Pilipinas Live
- Latest