Para sa NCAA Jrs. crown
Junior Altas at Squires magtutuos sa huling pagkakataon
MANILA, Philippines — Ang kanilang kauna-unahang NCAA juniors crown ang target ng University of Perpetual Help System DALTA, habang nakatutok ang Letran sa back-to-back title at ika-14 sa kabuuan.
Sa huling pagkakataon ay maghaharap ang Junior Altas at Squires ngayong alas-9:30 ng umaga sa ‘winner-take-all’ Game Three ng Season 99 NCAA juniors basketball finals sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Matapos kunin ng Letran ang 97-80 panalo sa Game One ay rumesbak ang Perpetual para sa 91-90 desisyon sa Game Two ng kanilang best-of-three title series.
Isa lamang sa Junior Altas at Squires ang magtataas sa tropeo.
“I expect na it will not be very easy because they are a champion team. Their coaching staff are really winners,” sabi ni Perpetual coach Joph Cleopas.
Hindi sasayangin ng Letran ni mentor Allen Ricardo ang pagkakataong makopo ang ikalawang sunod na titulo.
“Nawala iyong energy namin sa Game Two, hindi namin na-sustain iyong energy namin,” wika ni Ricardo. “Dapat Game Three taasan namin iyong energy namin. I’m looking forward to Game Three.”
Sina MVP Amiel Acido, JD Pagulayan, Mark Gojo Cruz at Lebron Jhames Daep ang muling sasandalan ng Junior Altas kontra kina Jonathan ‘Titing’ Manalili, George Diamante, Daniel Padilla at Syrex Siloio ng Squires.
“We’ll just give our best and this coming Saturday, ilalabas na lahat ng Letran. Isa lang masasabi is God-willing, ibigay sa amin. If not, glory to God pa rin,” ani Cleopas.
- Latest