ROS binigyan ng panalo ni Nocum
MANILA, Philippines — Tapos na ang kamalasan ng mga Elasto Painters.
Kumolekta si rookie guard Adrian Nocum ng 28 points, 7 rebounds, 6 assists at 2 steals para banderahan ang 100-85 pagdispatsa ng Rain or Shine sa Phoenix sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagsalpak din si Nocum ng limang three-point shots para sa 1-4 record ng Elasto Painters habang nag-mbag si Beau Belga ng 21 markers at 11 boards.
“Previous losses namin, we’ve had pretty close games except doon sa San Miguel,” ani coach Yeng Guiao. “Pero before that we just couldn’t close out games, we couldn’t finish in the end game.”
Umiskor si Jhonard Clarito ng 19 points kasama ang dalawang triples.
Pinamunuan ni Ricci Rivero ang Fuel Masters, bigo sa hangad na back-to-back wins para sa 1-3 baraha, sa kanyang 16 points at may 11 at 10 markers sina RJ Jazul at Ken Tuffin, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naglaro si injured forward Jason Perkins.
Mula sa 29-38 agwat sa second period ay buma-ngon ang Rain or Shine para agawin ang 47-41 halftime lead na kanilang pinalobo sa 70-54 sa 4:19 minuto ng third quarter.
Sa likod nina Rivero, Andrei Caracut at Jayjay Alejandro ay nakalapit ang Phoenix sa 80-86 sa 6:48 minuto ng final canto.
Isang 14-3 atake tampok ang tatlong sunod na basket ni Clarito ang muling naglayo sa Elasto Painters sa 100-83 sa huling 2:14 minuto ng laro.
- Latest