Batang Pier tinakasan ang Phoenix Fuel Masters
MANILA, Philippines — Inilista ng NorthPort ang ikalawang dikit na panalo matapos gibain ang Phoenix, 124-120, sa PBA Season 48 Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagkadena si rokie forward Cade Flores ng 21 points at 12 rebounds para itaas sa 2-1 ang record ng Batang Pier.
Nagdagdag si rookie big man Zav Lucero ng 18 markers, habang may tig-17, 15, 13 at 11 points sina Jeff Chan, Joshua Munzon, Arvin Tolentino, Fran Yu at Paul Zamar, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Jason Perkins ang Fuel Masters sa kanilang unang laro sa kanyang 28 points at may 19 markers si Tyler Tio bago nagkaroon ng left ankle injury sa fourth period.
Kaagad itinayo ng NorthPort ang 35-25 bentahe sa first period bago nakadikit ang Phoenix sa 36-38 mula sa isang 12-3 atake sa likodf ni Tio.
Muling nakalayo ang Batang Pier sa 106-93 galing sa three-point shot ni Lucero sa 7:08 minuto ng fourth quarter.
Sa pangunguna nina Perkins at Ricci Rivero ay nakalapit ang Fuel Masters sa 115-117 sa huling dalawang minuto ng nasabing yugto.
Huling nagbanta ang Phoenix sa 118-121 agwat matapos ang basket ni Rivero sa nalalabing 20.8 segundo.
Ang dalawang free throws ni Yu sa natitirang 17 segundo ang nagbigay sa NorthPort ng 123-118 bentahe.
Tumapos si RJ Jazul na may 15 points kasunod ang 13 markers ni Rivero para sa Fuel Masters.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Barangay Ginebra at Rain or Shine kagabi habang isinusulat ito.
Samantala, magtutuos ang TNT Tropang Giga at Terrafirma ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang upakan ng NLEX at Converge sa alas-6:15 ng gabi sa Big Dome.
Target ng Dyip ang ikatlong sunod na panalo.
- Latest