Ika-5 sunod na ratsada target ng UST
MANILA, Philippines — Pakay ng University of Santo Tomas Golden Tigresses na kalmutin ang five-game winning streak sa pagharap nila sa mabangis na Ateneo Lady Eagles sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magsisimula ang paluan ng Golden Tigresses at ng Lady Eagles ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang bakbakan sa pagitan ng Adamson University Lady Falcons at Far Eastern University Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon.
Tangan ang malinis na apat na panalo, solo ang Golden Tigresses sa top spot matapos makakuha ng malaking tulong mula sa kanilang mga pambatong sina Jonna Chris Perdido at Angeline Poyos.
Galing sa dalawang sunod na pahirapang panalo ang Espana-based squad matapos kalusin sa limang sets ang defending champions De La Salle University Lady Spikers at Lady Tamaraws.
“The determination to win was there. We just fought for every point, for every set,” sabi ni UST head coach Kungfu Reyes.
Tiyak na dadaan na naman sa butas ng karayom ang UST dahil may dugong kampeon din ang kanilang makakalaban.
Pero inaasahang kina Perdido at Poyos pa rin aasa sa opensa ang UST.
Nasa pangatlo sa ilalim ng team standings ang Lady Eagles hawak ang 1-3 record, huhugot sila ng lakas kina outside hitters Sophia Beatriz Buena at Geezel Tsunashima.
- Latest