4 Pinoy bets swak sa Olympic qualifiers
MANILA, Philippines — Apat na miyembro ng national boxing team ang nagtala ng impresibong panalo upang umabante sa Olympic qualifying tournament na ginaganap sa Busto Arsizio, Italy.
Nanguna sa ratsada ng Pinoy boxers si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio na nagsumite ng knockout win kontra kay Serbian Andela Brankovic sa women’s 57 kilogram division.
Nagpasiklab din si Asian Games medalist Rogen Ladon na kumana ng split decision win laban kay home town bet Italian Federico Emilio Serra sa men’s 51 kg class.
Nagtala rin ng panalo sian Mark Ashley Fajardo (men’s 63.5 kg) at Ronald Chavez, Jr. (71 kg) sa kani-kanyang dibisyon.
Wagi si Fajardo via knockout kay Albertino Monteiro ng Portugal habang naitakas ni Chavez ang split decision win kontra kay Bruno de Barros Fernandez ng Cape Verde.
Sunod na makakasagupa ni Ladon si Said Mortaji ng Morocco habang titipanin naman ni Petecio si Maria Claudia Nechita ng Romania.
Nauna nang umabante sa second round si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam na nakasiguro ng opening round bye.
Sasagupain ni Paalam ang mananalo sa pagitan nina Mexican Andrey Bonilla at German Murat Yildirim.
Kasama rin sa delegasyon sina John Marvi, Claudine Veloso, Hergie Bacaydan at Aira Villegas.
Makakalaban ni Marvin sa first round si Iranian Pouria Amiri sa men’s 92 kg habang lalarga si Veloso sa women’s 54 kg laban kay Japanese Mikoto Harada.
Aariba naman si Bacaydan kontra kay Brazilian Viviane Pereira sa women’s 75 kg samantalang lalarga si Villegas sa women’s 50 kg laban kay McKenzie Wright ng Canada.
- Latest