Ced Domingo nangangapa pa sa Akari
MANILA, Philippines — Sariwa pa si middle blocker Ced Domingo sa matagumpay na pagkopo ng kampeonato sa Thailand Volleyball League kasama ang Nakhon Ratchasima.
Agad itong umuwi ng Pilipinas upang makasama naman ang Akari sa kampanya nito sa Premier Volleyball League (PVL) All Filipino Conference.
Mula sa airport, tumulak ito sa ensayo kasama ang Chargers.
Nangangapa pa si Domingo dahil isang araw pa lamang itong nakapag-ensayo sa team.
Sa kanilang unang pagsalang, lumasap ang Chargers ng 25-21, 18-25, 12-25, 18-25 kabiguan sa kamay ng Cignal HD Spikers.
“For me, there was no pressure when I entered the court. I just did what I could to contribute to the team, especially since I just had a one-day training with them,” ani Domingo.
Hindi pa sanay si Domingo sa sistema ng Akari.
Makailang ulit itong nagkaroon ng attack error at net violation dahil wala pa itong solidong koneksiyon sa kanyang setter.
“Nasa phase pa ako na naga-adjust at naga-adapt. Bago ang system na ito, bagong environtment for me,” ani Domingo.
Umaasa si Domingo na mabilis nitong makukuha ang galawan sa loob ng team para makapag-ambag sa kampanya ng Chargers sa season na ito.
Nais din ni Domingo na madala sa Chargers ang mga natutunan nito sa Thailand at maibahagi sa kanyang mga teammates.
- Latest