Nuggets sinapawan ang Mavericks
DENVER — Umiskor si Jamal Murray ng 22 points kasama ang apat na three-point shots para tulungan ang nagdedepensang Nuggets sa 130-104 pagbugbog sa Dallas Mavericks.
Nag-ambag si Aaron Gordon ng season high 21 points habang nalimitahan si Nikola Jokic sa 8 points, 9 rebounds at 7 assists para sa Denver (18-10).
Tumipa si Luka Doncic ng 38 points at 11 rebounds sa panig ng Dallas (16-10) na naglaro na wala sina injured guard Kyrie Irving (heel), Josh Green (elbow), Maxi Kleber (toe) at Dereck Lively II (ankle).
Mula sa 77-70 abante sa 6:48 minuto sa third period, isang 21-10 atake ang ginawa ng Nuggets tampok ang 10 points ni Murray para tuluyan nang iwanan ang Mavericks.
Sa Indianapolis, tumapos si James Harden na may season-best 35 points at may 28 points at 27 markers sina Kawhi Leonard at Paul George, ayon sa pagkakasunod, sa 151-127 paggiba ng Los Angeles Clippers (16-10) sa Indiana Pacers (13-12).
Sa Oklahoma City, umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points sa 116-97 pagdaig ng Thunder (17-8) sa Memphis Grizzlies (6-19).
Sa Cleveland, nagpasabog si Donovan Mitchell ng 37 points sa 135-130 paglusot ng Cavaliers (15-12) sa Houston Rockets (13-11).
- Latest