Lady Blazers sumampa sa PNVF Challenge Cup semis
MANILA, Philippines — Pinadapa ng College of St. Benilde ang San Beda University, 25-14, 23-25, 25-13, 25-20, papasok sa semifinals ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Tinapos ng Lady Blazers, ang two-time NCAA reigning champions, ang kanilang knockout quarterfinals match ng Lady Red Spikers ng halos dalawang oras.
Lalabanan ng St. Benilde sa Final Four ang mananalo sa pagitan ng Pool C leader Letran College at Pool B second-placer Jose Rizal University.
Nauna ng binigo ng Lady Blazers ni coach Jerry Yee ang Parañaque City, 25-6, 5-20, 25-17, UP Volleyball Club, 25-20, 25-18, 25-10, at Volida Volleyball Club, 25-12, 25-12, 25-18.
Sa isa pang quarterfinals game, haharapin ng Pool B top-seed Philippine Air Force ang Pool C No. 2 Arellano at sasagupain ng Pool D leader University of the Philippines ang second-running UP Volleyball Club ng Pool A.
Pag-aagawan ng anim na koponan ang tatlong semis berth sa torneong suportado ni Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann kasama ang PLDT, Rebisco, Akari, Foton at CBPI.
Makakatapat ng Cignal ang Iloilo ng Pool D, susukatan ng NU ang JRU ng Pool C, makikipagtuos ang PGJC Navy sa VNS Asereht ng Pool B at makikipagkita ang UST sa Savouge Aesthetics ng Pool A.
Isang knockout format din ang gagamitin sa men’s play ng Challenge Cup ni PNVF president Ramon “Tats” Suzara.
- Latest