Creamline, Choco papasukin ang semis
MANILA, Philippines — Kapwa pupuntiryahin ng Creamline at Choco Mucho ang unang dalawang semifinal ticket sa Premier Volleyball League 2nd All-Filipino Conference.
Haharapin ng Cool Smashers ang Nxled Chameleons ngayong alas-4 ng hapon habang lalabanan ng Flying Titans ang PLDT High Speed Hitters sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Solo ng Creamline ang liderato sa bitbit na 7-0 baraha kasunod ang Choco Mucho (7-1), Chery Tiggo (7-1), Cignal (6-3), Petro Gazz (5-4), PLDT (5-3), F2 Logistics (4-5), Akari (4-4), Nxled (3-5), Farm Fresh (1-8), Galeries Tower (0-7) at Gerflor (0-8).
Nagmula ang Cool Smashers sa 25-23, 25-21, 25-19 pagwalis sa High Speed Hitters habang humataw ang Chameleons ng dalawang sunod na panalo.
“We still need to improve every game, so all-out pa din kami sa next games,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses sa pagsagupa nila sa Nxled.
Sina Michele Gumabao, Alyssa Vadez, Tots Carlos, Jema Galanza at Kyle Negrito ang muling babandera sa Cool Smashers.
Sasandigan naman ng Chameleons sina Jho Maraguinot, Lycha Ebon, Krich Macaslang at Kamille Cal.
- Latest