Domingo nakatikim ng panalo sa Thailand
MANILA, Philippines — Nakatikim rin ng panalo si middle blocker Ced Domingo sa kanyang unang international stint sa commercial league.
Naitarak ng tropa ni Domingo na Nakhon Ratchasima ang mabilis na 25-14., 25-14, 25-21 demolisyon sa Nakorn Nonthaburi upang makuha ang panalo sa Thailand Volleyball League.
Ilang matatalim na atake ang pinakawalan ni Domingo upang tulungan ang kanilang tropa na mabilis na dispatsahin ang Nakorn Nonthaburi.
Nagpasalamat si Domingo sa ilang Pinoy fans na dumating sa venue upang sumuporta at panoorin ang kanilang laro.
“Maraming salamat po ulit,” ani Domingo sa kanyang post sa social media.
Ito ang unang pagkakataon na hinugot si Domingo bilang import sa isang international league.
Sa kasalukuyan, may limang Pinay volleyball players ang naglalaro sa international leagues.
Kasama ni Domingo sa iba’t ibang international leagues sina Jaja Santiago, Jia Morado-De Guzman, MJ Phillips at Iris Tolenada.
Naglalaro si Santiago para sa JT Marvelous habang nasa Denso Airybees si Morado-De Guzman sa Japan V.League.
Nasa South Korea Volleyball League naman sina Phillips at Tolenada.
Noong nakaraang taon, naglarong import si Mylene Paat sa Nakhon Ratchasima sa parehong Thailand Volleyball League.
Itinanghal itong Best Scorer matapos tulungan ang Nakhon Ratchasima na manalo ng bronze medal sa naturang liga.
- Latest