Mapua ayaw pakampante
MANILA, Philippines — Bagama’t may bitbit nang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four ay ayaw pa rin ni coach Randy Alcantara na maging kumpiyansa ang kanyang mga Cardinals sa huling dalawang laro sa eliminasyon.
“Iyang standing na iyan mabilis mawala iyan,” ani Alcantara. “Kasi parang lead iyan sa game na kapag lumamang ka ng 20 or 30 points sa ganitong klaseng mga teams ay balewala iyon.”
Lalabanan ng Mapua ang sibak nang Arellano University ngayong alas-3:30 ng hapon matapos ang laro ng Lyceum of the Philippines University at talsik nang San Sebastian College sa ala-1:30 ng hapon sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament sa Filoil Centre sa San Juan City.
Tangan ng Mapua ang 13-3 record kasunod ang Lyceum (11-4), College of St. Benilde (10-6), Jose Rizal University (10-6), San Beda (9-6), Emilio Aguinaldo College (8-8), University of Perpetual Help System DALTA (8-8), San Sebastian (5-10), Arellano (2-13) at Letran (2-14).
Nasa four-game winning streak ang Cardinals kasama ang 69-53 paggupo sa Altas habang nasa five-game losing slump ang Chiefs.
Sa unang laro, pupuntiryahin ng Pirates ang isa pang ‘twice-to-beat’ bonus sa pagsagupa sa Stags.
Nakalasap ang Lyceum ng 80-81 kabiguan sa Perpetual, samantalang nanggaling ang San Sebastian sa 68-78 pagkatalo sa St. Benilde sa kanilang mga huling laban.
- Latest