Castro, Perez pararangalan sa PBAPC Awards Night
MANILA, Philippines — Pamumunuan nina TNT Tropang Giga veteran guard Jayson Castro at San Miguel scoring machine CJ Perez ang inisyal na grupo ng mga players na pararangalan sa PBA Press Corps Awards Night para sa Season 47.
Tatanggapin ni Castro ang Order of Merit habang ibibigay kay Perez ang Scoring Champion trophy.
Sa Lunes nakatakda ang awards night sa Novotel Manila Araneta City.
Humakot ang 37-anyos na si Castro ng pinakamaraming Cignal Play Player of the Week honors.
Nakatabla ni Castro sina Mark Barroca ng Magnolia, Christian Standhardinger ng Ginebra at Encho Serrano ng Phoenix.
Ngunit naging back to back winner si Castro sa semis ng Philippine Cup sa serye ng Tropang Giga at Hotshots.
Kumamada naman si Perez ng 18.75 points average sa nakaraang season para banderahan ang liga sa scoring.
Pinamunuan ni Perez ang liga sa scoring noong 2019 at 2020.
Hinirang namang Game of the Season ang upakan ng Tropang Giga at Beermen sa Philippine Cup Finals.
- Latest