Remogat gumana sa UE
MANILA, Philippines — Umiskor si Noy Remogat ng season-high 34 points upang gilitan ng University of the East sa overtime ang Far Eastern University, 87-86 sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Lumakas ang tsansa ng Red Warriors sa asam na final four matapos ilista ang 4-6 karta at saluhan ang defending champion Ateneo Blue Eagles sa No. 5 spot sa team standings.
Nasa pang-apat ang Adamson University na may 5-5 card.
Nakatuwang ni Remogat sa opensa sina Jack Cruz-Dumont at Abdul Sawat na mga umangkla sa puntusan para sa UE sa extra period.
Tumikada si Dumont ng lima sa kanyang siyam na puntos sa overtime kasama ang crucial assist nito kay Sawat para ilista ang 10-0 run at hawakan ang 87-77 bentahe may 38.7 segundo na lang sa laro.
“I just wanna help the team in any way I can. I am a rookie in the UAAP but I have college experience back home but with Wilson out, I know that I’m gonna have to step up and play some point guard.” ani Filipino-Canadian Dumont.
Bumakas si Sawat ng 20 points, anim na rebounds at limang assists para sa UE habang sina Ryzel Gilbuena at Wello Lingolingo ay tumipa ng pito at anim ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikalawang beses na kinatay ng Red Warriors ang Tamaraws ngayong season kung saan nagwagi ang Recto-based squad, 65-58 nang magharap sila sa first round eliminations noong Oktubre 7.
- Latest