Team Philippines tumalon sa No. 17 spot sa Asiad
MANILA, Philippines — Nabokya sa medalya ang tatlong Pinoy athletes sa kani-kanilang mga events bago ang pormal na pagtiklop ng 19th Asian Games kahapon sa Hangzhou, China.
Inalat si jiu-jitsu fighter Andrea Lao sa bronze medal nang matalo kay Choi Hee Joo ng South Korea sa women’s -63 kilogram category habang sibak si Dean Michael Roxas kay Fasial Alketbi ng United Arab Emirates sa Round of 16 sa men’s -85kg class.
Talsik din si Adjuthor Moralde II kay Yu Hsun Chen ng Chinese Taipei, 0-4, sa quarterfinals ng men’s singles sa soft tennis event.
Natengga sa apat na golds, dalawang silvers at 12 bronzes ang mga medalyang naibulsa ng mga Pinoy athletes para sa No. 17 spot sa medal standings sa opisyal na pagtatapos ng quadrennial event ngayong gabi.
Humakot ng apat na golds, dalawang silvers at 15 bronzes ang Pinas noong 2018 Asiad sa Palembang, Indonesia para sa No. 19 place.
Nagmula ang apat na ginto sa Hangzhou Asiad sa Gilas Pilipinas sa men’s basketball at kina World No. 2 Ernest John Obiena sa men’s pole vault, Meggie Ochoa at Annia Ramirez sa women’s jiu-jitsu.
Sina boxer Eumir Marcial at sanda fighter Arnel Mandal ang nag-ambag ng dalawang pilak.
May tanso sina tennis players Alex Eala (women’s singles at mixed doubles) at Francis Alcantara (mixed doubles), taekwondo jin Patrick Perez (poomsae), karateka Sakura Alforte (women’s kata), weightlifter Ellen Ando (women’s 64kg) at rider Patrick Coo (BMX racing).
Ito rin ang binigay nina wushu artist Jones Llabres Inso (tajijan), sanda fighters Gideon Padua (sanda) at Clemente Tabular Jr. (sanda), Kaila Napolis (jiu-jitsu) at ang men’s sepak takraw team nina Rheyjey Ortouste, Jason Huerte, Ronsited Gabayeron, Mark Joseph Gonzales at Jom Lerry Rafael.
- Latest