Isa pang bronze kay Eala; Ej Sasalang
MANILA, Philippines — Hinataw ni Pinay tennis sensation Alex Eala ang kanyang ikalawang bronze medal, samantalang papagitna si World No. 2 pole vaulter Ernest John Obiena sa aksyon sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Hindi nabokya sa medalya ang Team Philippines matapos makuntento sina Eala at Francis Alcantara sa tansong medalya makaraang matalo kina Liang En-shuo at Tsung-hao Huang ng Chinese Taipei, 5-7, 3-6, sa semifinals ng mixed doubles.
Nauna nang nagkasya ang 18-anyos na si Eala sa bronze nang malasin sa semis ng women’s singles.
Si Eala ang ikalawang local netter na kumuha ng dalawang tanso sa Asiad tennis matapos si Fil-Am Cecil Mamiit sa men’s singles at sa men’s doubles katambal si Eric Taino noong 2006 edition sa Doha, Qatar.
Sasalang naman si Obiena sa men’s pole vault ngayong alas-7 ng gabi kung saan niya makakatapat si Japanese Seito Yamamoto na lumundag ng Asiad record na 5.75 meters noong 2018 sa Jakarta-Palembang, Indonesia.
Sa men’s basketball, sasagupain ng Gilas Pilipinas ang Jordan ngayong alas-5:30 ng hapon para sa agawan sa quarterfinals berth sa Pool C.
Dinomina naman ng Gilas Women ang Hong Kong, 99-63, para sa kanilang 2-0 baraha na nagpatibay sa pag-asa nila sa quarterfinals.
Sa women’s boxing, nasilat si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio ni long-time rival Lin Yu Ting ng Chinese Taipei sa women’s 57 kilogram Round of 16.
Hindi rin pumasok sa medal round sina Olympian Irish Magno, Aira Villegas, Aaron Jude Bado, Mark Ashley Fajardo at Marjon Pianar.
- Latest