Commissioner’s Cup uunahain ng PBA
Bago ang Philippine Cup
MANILA, Philippines — Unang idaraos ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Commissioners’ Cup bago ang tradisyunal na Philippine Cup para sa Season 48th.
Ito ay para mapagbigyan ang muling paglalaro ng guest team na Bay Area Dragons sa import-flavored conference na magsisimula sa Oktubre 15 sa Smart Araneta Coliseum.
“Mauuna na po muna ang Commissioner’s Cup bago po ang Philippine Cup para mapagbigyan po natin ang Bay Area Dragons,” ani PBA Commissioner Willie Marcial kahapon sa Philippine Sportswriters Association Forum sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Isasalang ng mga koponan sa Commissioner’s Cup ang kanilang import na may height limit na 6-foot-9 pababa.
Tinalo ng Ginebra Gin Kings ang Dragons, 4-3, sa best-of-seven championship series ng nakaraang 2022 PBA Commissioner’s Cup.
Nagbigay-daan ang PBA para sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa darating na 2023 FIBA World Cup ngayong buwan at sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Bukod sa pagbubukas ng 2023 PBA Commissioner’s Cup ay naglatag na rin ang liga ng mga preseason activities kagaya ng Rookie Draft sa Setyembre 17 sa Market! Market! sa Taguig City.
Sa Setyembre 12 at 13 naman nakatakda ang PBA Draft Combine sa Gatorade Hoops Dome sa Mandaluyong City.
Paghahandaan din ng PBA ang paglahok ng Ginebra at TNT Tropang Giga sa East Asia Super League (EASL).
- Latest