Brazil sasagupa sa Italy sa paghataw ngayon ng VNL Week 3
MANILA, Philippines — Ang matinding duwelo ng No. 2 Brazil at No. 4 Italy ang magbubukas sa Week 3 ng Volleyball Nations League (VNL) sa MOA Arena sa Pasay City.
Si First Lady Liza Araneta Marcos ang gagawa ng ceremonial serve bago ang bakbakan ng Brazil at Italy ngayong alas-3 ng hapon habang magtutuos ang World No. 7 Japan at No. 25 China sa alas-7 ng gabi.
Winalis ng mga Brazilians ang mga Italians para sa Olympic gold medal noong 2000 sa Sydney, Australia, 2004 sa Athens, Greece at 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil.
“Everyone is excited with the VNL men’s competition and we’re expecting more fans to march to the MOA Arena to witness thrilling world-class and high flying international men’s volleyball action,” ani Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na pamamahalaan ng PNVF ang VNL na inorganisa ng International Volleyball Federation (FIVB) at ng Volleyball World.
Dadalo rin sa opening ceremony sina Philippine Olympic Committee president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann at Pasay City Mayor Imelda Calixto Rubiano sa VNL Pasay City leg na itinataguyod ng Ganten, Gerflor, Mikasa, Mizuno, Senoh at Stake.com bilang global sponsor.
Ang walo sa top 25 teams sa buong mundo ay sasalang sa Week 3 ng men’s VNL na suportado ng PLDT, Rebisco, Akari at PSC bilang major sponsors.
Ang iba pa ay ang World No. 1 Poland, No. 9 Slovenia, No. 12 The Netherlands at No. 15 Canada.
- Latest