E-Painters walang interes kay Ahanmisi
MANILA, Philippines — Hindi interesado ang Rain or Shine sa serbisyo ni veteran guard Maverick Ahanmisi.
Sinabi ni Elasto Painters’ head coach Yeng Guiao na kuntento at masaya na siya sa kanyang mga batang point guards na aasahan niya sa darating na 2023 PBA Commissioner’s Cup sa Oktubre.
Ang mga tinutukoy ni Guiao ay sina Rey Nambatac, Anton Asistio, Andrei Caracut at Gian Mamuyac.
“We have young guards we feel we can develop. We will be patient with them. Kaya hindi kami nakikigulo doon,” ani Guiao sa isyu kay Ahanmisi na nagtapos ang one-year contract sa Converge noong Hunyo 6.
Humihingi umano ang Fil-Nigerian na si Ahanmisi ng P900,000 monthly salary na hindi kayang ibigay ng FiberXers.
Si Ahanmisi ang No. 3 overall pick ng Rain or Shine noong 2015 PBA Draft kasunod sina Scottie Thompson ng Barangay Ginebra at Chris Newsome ng Meralco.
Ang 32-anyos na playmaker ang nakasama ni Guiao sa paghahari ng Rain or Shine sa 2016 Commissioner’s Cup.
Kasalukuyang may 3-0 record ang Rain or Shine sa ginaganap PBA On Tour no-bearing tournament kung saan nila ipinaparada ang bagong hugot na si Mac Belo.
“Wala naman akong expectations dito sa PBA On Tour. Hindi naman ito totohanan pa, hindi pa tayo tinototoo ng mga malalakas na teams,” ani Guiao.
- Latest