Gilas Women nagpalakas ng tsansa sa pilak
MANILA, Philippines — Bagama’t wala ng tsansang madepensahan ang korona, itinuon ng Gilas Pilipinas women ang atensyon sa Thailand tungo sa 82-70 tagumpay papalapit sa pagtatapos ng 32nd Southeast Asian Games kahapon sa Morodok Techo Stadium Elephant Hall 2 Phnom Penh.
Silver medal na lang ang pinakamataas na maiuuwi ng Gilas at pinalakas nila ang tangka rito sa pag-angat sa 4-1 kartada matapos masiguro ng Indonesia ang ginto bilang bagong reyna ng SEA basketball.
Winalis ng Indonesia ang torneo, 6-0, matapos ang 86-39 panalo kontra sa Singapore na nagtakda sa silver medal match sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia na may parehong 4-1 kartada.
Hindi tulad ng men’s basketball na may playoffs, single-round robin lang ang format sa women’s hoops tampok ang No. 1 team bilang kampeon.
Kinapos ang Gilas dito nang yumukod sa Indonesia, 89-68, habang bigo rin ang Malaysia sa parehong koponan, 85-57.
Sa kabila nito, hindi nagpaawat si Afril Bernardino na tumabo ng kumpletong 18 puntos, 5 rebounds, 4 assists, 2 steals at 1 tapal sa halos 20 minutong aksyon lamang upang giyahan ang Nationals.
May 11 din si Khate Castillo habang may tig-10 sina Jack Animam at Kapitang si Janine Pontejos para sa Gilas na bigong masungkit sana ang three-peat.
Bukod sa kabiguan sa Indonesia, tinambakan ng Gilas ang ibang karibal na Cambodia, 114-54, Singapore, 94-63, at Vietnam, 116-58.
- Latest