Arcilla isinalba ang Team Philippines
Sa pagkakabokya sa ginto
MANILA, Philippines — Kundi dahil kay Joseph Arcilla ay tuluyan nang nabokya ang Pilipinas sa Day Five ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.
Isiningit ni Arcilla ang tanging gold medal ng bansa matapos talunin si Muhammad Hemat Bhakti Anugerah ng Indonesia, 4-1, sa finals ng men’s singles ng soft tennis event.
Napanatili ng 37-anyos na si Arcilla ang kanyang men’s singles title para sa kabuuang tatlong ginto, isang pilak at isang tanso ng national soft tennis team matapos humataw ng 3-0-1 medalya noong 2019 Manila SEA Games.
Ang unang dalawang gold ay nagmula kina Princess Catindig at Noelle Mañalac sa women’s doubles at ang women’s team nina Catindig, Mañalac, Nikki Zoleta, Christy Sañosa, Fatima Ayesha Amirul at Virvienica Isearis Bejosano.
Kinuha ni Natalie Uy ang bronze sa women’s pole vault dalawang araw makaraang lundagin ni World No. 3 Ernest John Obiena ang kanyang ikatlong sunod na men’s gold.
Nahulog ang Pinas sa No. 5 spot sa overall medal standings bitbit ang 26 golds, 44 silvers at 54 bronzes.
Pumitas ang bansa ng anim na ginto sa Day Four tampok ang tatlo nina two-time world champion Caloy Yulo sa parallel bars, Juancho Miguel Besana sa vault at John Ivan Cruz sa floor exercise sa men’s gymnastics.
Maaari pang madagdagan ang gold ng bansa sa pagsalang nina Olympian Irish Magno at Riza Pasuit sa finals ng women’s boxing.
Sasagupain ni Magno si Jutamas Jitpong ng Thailand at makakatapat ni Pasuit si Thi Linh Ha ng Vietnam sa finals.
Umiskor si Ella Fajardo ng 17 points at may 16 markers si Jack Animam sa 114-54 paglampaso ng nagdedepensang Gilas Pilipinas women’s team sa host Cambodia.
Matapos itakbo ang ginto sa men’s long jump ay nakuntento si Janry Ubas sa silver sa men’s decathlon kagaya ng kinuha nina Joida Gagnao (women’s 3,000m steeplechase) at Sonny Wagdos (men’s 5,000m) sa athletics.
Pumalo rin ng pilak ang men’s at women’s hoop teams sa sepak takraw.
Nag-ambag ng tanso sina swimmers Jarod Hatch (men’s 100m at 50m butterfly), Jasmine Alkhaldi (women’s 100m butterfly.
Inilista ni Hatch ang bagong Philippine record na 23.89 segundo sa men’s 50m butterfly.
- Latest