Baluyot, Jones wagi sa URCC 84 Rage
MANILA, Philippines — Tinalo ni jiu-jitsu expert Eros Baluyot si Elouie Federic Sevilla sa kanilang madugong laban sa Universal Reality Combat Championship (URCC) 84 Rage noong Martes ng gabi sa Xylo sa Palace sa BGC, Taguig City.
Ginamit ng tubong Parañaque City na si Baluyot ang kanyang matinding striking at wrestling skills para kunin ang unanimous decision win laban kay Sevilla sa kanilang flyweight match.
May 2-0 record ngayon ang 30-anyos na si Baluyot na sumalang sa training camp sa Baguio City.
Ito ang ikaapat na kabiguan ni Sevilla sa 10 laban.
Samantala, tinapos ni Mariano Jones ang 12-year MMA career ni Arvin Chan matapos umiskor ng kimura submission lock sa huling 3:45 minuto ng second round ng kanilang welterweight battle na pinanood nina URCC president Alvin Aguilar at GM Aleks Sofronov.
Hindi natakot ang Costa Rican na si Jones (2-0) sa pamatay na striking skills ni Chan (8-10) para ilista ang panalo.
Ilang beses ibinalibag ng 26-anyos na tinguriang “Hitman” si Chan.
Ang fight card ay sinaksihan ni Games and Amusement Board (GAB) chairman Atty. Richard Clarin at sinuportahan ng most trusted online casino sa bansa na Nuebe Gaming katuwang ang Vietnamese Highlands Coffee.
Tinakasan ni Marianne Mariano si Jomary Torres via split decision sa women’s strawweight bout.
Dinaig ni Denzel Dimaguila si Marvin Dela Cruz via rear naked choke sa 1:14 minuto ng first round ng flyweight bout at pinasuko ni Rhino Casipe si Jeffrey Subla sa 3:06 via rear naked choke sa first round ng flyweight bout.
- Latest