Nets delikado na sa 76ers
NEW YORK— Umiskor si Tyrese Maxey ng 25 points para pamunuan ang Philadelphia 76ers sa 102-97 paglusot sa Brooklyn Nets at ilista ang 3-0 lead sa kanilang Eastern Conference first-round series.
Ipinasok ni Maxey ang isang tiebreaking three-pointer sa huling 44 segundo habang sinupalpal ni Joel Embiid ang layup ni Spencer Dinwiddie ng Nets sa nalalabing 8.8 segundo para selyuhan ang panalo ng 76ers.
Tumapos si Embiid na may 14 points at 10 rebounds para sa 76ers habang may 21 markers si James Harden bago napatalsik sa third period.
Pinamunuan ni Mikal Bridges ang Nets sa kanyang 26 points.
Kailangan na lamang ng Philadelphia na talunin ang Brooklyn sa Game Four bukas papasok sa second round.
Sa Los Angeles, naghulog si Devin Booker ng 45 points at may 28 markers si Durant sa 129-124 panalo ng Phoenix Suns sa Kawhi Leonard-less Clippers at kunin ang 2-1 abante sa kanilang Western Conference first-round duel.
Hindi naglaro si Leonard dahil sa kanyang sprained right knee na nagpaupo rin kay Paul George simula noong Marso 21.
Sa San Francisco, nagsalpak si Stephen Curry ng 36 points habang dinuplika ni Kevon Looney ang kanyang career high na 20 rebounds para sa 114-97 pagresbak ng nagdedepensang Golden State Warriors sa Sacramento Kings.
Pinigilan ng Warriors ang hangad na 3-0 lead ng Kings para idikit sa 1-2 ang kanilang serye.
Kumonekta si Curry ng anim na three-point shots at nagtala si Andrew Wiggins ng 20 points at 7 rebounds.
- Latest