Tropang Giga gumawa ng finals record na 21 triples
MANILA, Philippines — Hindi naglaro si top local scorer Roger Pogoy.
Ngunit hindi ito naging problema ng TNT Tropang Giga.
Muling ginamit ng Tropang Giga ang kanilang matinik na three-point shooting para gantihan ang nagdedepensang Ginebra Gin Kings, 116-104, sa Game Four ng 2023 PBA Governors’ Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si Best Import winner Rondae Hollis-Jefferson ng 36 points, 10 rebounds at 5 assists para itabla ang TNT sa 2-2 sa kanilang best-of-seven title duel ng Ginebra.
Nagdagdag si Jayson Castro ng 17 points kasama ang apat sa PBA Finals record na 21 triples ng PLDT franchise sa harap ng 16,203 fans sa Big Dome.
“Again, we have to go back to our three-point shooting. That’s the story of the series so far,” ani Tropang Giga interim coach Jojo Lastimosa na nakakuha ng tig-16 markers kina Calvin Oftana, Mikey Williams at Kib Montalbo.
“We’re gonna miss Roger in the series. We don’t know what will gonna happen,” dagdag ni Lastimosa kay Pogoy na sasailalim sa surgery para sa kanyang fractured left finger na nangyari sa Game Three.
Tumapos si import Justin Brownlee na may 28 points para sa Gin Kings.
Ipinoste ng TNT ang 23-point lead, 48-25, sa 7:33 minuto ng second period mula sa isang 19-2 atake tampok ang limang triples.
Naputol ito ng Ginebra sa 57-68 sa 7:15 minuto ng third quarter galing sa kanilang 16-9 ratsada na pinamunuan nina Brownlee, Standhardinger, Thompson at Malonzo.
Muli namang nagliyab ang mga kamay ng Tropang Giga para tangayin ang 99-80 sa unang dalawang minuto ng fourth period.
Lalo pang nabaon ang Gin Kings sa 90-111 matapos ang tres ni Williams sa huling 5:11 minuto ng labanan.
- Latest