3-peat sa Perpetual!
MANILA, Philippines — Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa kampeonato din ang tuloy.
Iyan ang siniguro ng University of Perpetual Help System Dalta nang kaldagin ang palabang San Beda, 25-21, 25-20, 22-25, 25-22, sa winner-take-all Game 3 upang pagharian ang NCAA men’s volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Center sa San Juan.
Naantala man ang misyon sanang tournament sweep matapos tumirik sa Game 2, hindi na nagpaawat ang Altas sa huling duwelo para makumpleto ang pambihirang three-peat.
Kumamada ng 26 puntos sa 23 hits, 2 blocks at 1 ace ang Season MVP na si Louie Ramirez upang trangkuhan ang atake ng Altas, na lumasap ng silat na 25-17, 27-25, 22-25, 23-25, 11-15 kabiguan sa Red Spikers sa Game 2 kamakalawa.
Nagsahog pa si Ramirez ng 13 digs at 21 receptions para sa pambihirang all-around performance habang may tig-12 markers din sina Michael Medalla at KC Andrade sa matamis na higanti ng Perpetual matapos maputol ang 32-game winning streak nila.
Nagdagdag ng 11 puntos si Jefferson Marapoc, may 21 excellent sets si John Christian Enarciso habang may 15 digs at 15 receptions si John Philip Pepito para sa team ng batikang mentor na si Sammy Acaylar.
Lumaban sina Ralph Cabalsa at Lorenz Calayag na may tig-12 puntos subalit kapos pa rin para sa Red Spikers na bigong masungkit ang kanilang unang NCAA men’s volleyball title.
Nag-ambag din ng 9 at 8 markers sina Justine Santos at Kenrod Benedict Umali para sa Red Spikers na inakyat ang stepladder Final Four kontra sa Emilio Aguinaldo College at Arellano upang makasampa sa finals.
- Latest