Bridges muling bumida sa panalo ng Nets sa Rockets
HOUSTON — Nagsalpak si Mikal Bridges ng 30 points at may 23 markers si Spencer Dinwiddie para banderahan ang Brooklyn Nets sa 118-96 pagpapabagsak sa Rockets.
Nagtala rin si Bridges ng 5 assists, 2 blocks at 1 steal para sa ikatlong sunod na arangkada ng Brooklyn (37-28).
Pinamunuan ni Fil-Am guard Jalen Green ang Houston (15-50) sa kanyang 25 points.
Kinuha ng Nets ang 14-point lead sa third period matapos humataw ng 33 points sa nasabing yugto.
Hindi nila ito binitawan hanggang sa fourth quarter kung saan nila ipinoste ang 103-81 bentahe mula sa triple ni Bridges at alley-oop dunk ni Nic Claxton.
Sa Orlando, umiskor si Brook Lopez ng 26 points kasunod ang tig-24 markers nina Khris Middleton at Jevon Carter sa 134-123 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (47-18) sa Magic (27-39).
Sa New York, humataw si Kelly Oubre Jr. ng 27 points at may 25 markers si Terry Rozier sa 112-105 pagdaig ng Charlotte Hornets (21-46) sa Knicks (39-28).
Sa Los Angeles, kumolekta si Anthony Davis ng 30 points at 22 rebounds sa 112-103 pagpulutan ng Lakers (32-34) sa Memphis Grizzlies (38-26).
Sa Dallas, nagpasabog si Kyrie Irving ng 33 points, habang may 29 markers si Luka Doncic sa 120-116 pagtakas ng Mavericks (34-32) sa Utah Jazz (31-35).
Sa Minneapolis, kumamada si Joel Embiid ng 39 points sa 117-94 demolisyon ng Philadelphia 76ers (43-32) sa Minnesota Timberwolves (34-33).
Sa Oklahoma City, kumana si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points sa 137-128 pagsapaw ng Thunder (31-34) sa Golden State Warriors (34-32).
- Latest