Poole, Warriors nilunod ang Clippers
SAN FRANCISCO — Kahit na wala sa aksyon sina starters Stephen Curry at Andrew Wiggins ay tila malakas pa rin ang tsansa ng nagdedepensang Golden State Warriors sa playoffs.
Humataw si Jordan Poole ng 34 points, habang nagtala si Klay Thompson ng 19 markers at career-high na 11 rebounds para sa 115-91 paghuli ng Warriors sa Los Angeles Clippers.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Golden State (33-30).
“I just feel there’s a grit that comes with defense that allows you to shake it off and keep playing,” ani coach Steve Kerr.
Nagdagdag si Draymond Green ng 11 points, 9 rebounds at 9 assists.
Pinamunuan ni Kawhi Leonard ang Los Angeles (33-32) sa kanyang 21 points at humakot si Mason Plumlee ng season-best na 20 rebounds.
Nalimitahan si Paul George sa 11 markers mula sa malamyang 3-of-15 field goal shooting.
May 8 points naman si Russell Westbrook mula sa 3-for-12 clip
Kumamada ang Warriors ng 42 points sa kabuuan ng third quarter para iposte ang 87-72 abante sa Clippers papasok sa fourth period.
Sa Dallas, nagpaputok si Luka Doncic ng 42 points at humataw si Kyrie Irving ng 40 markers para sa 133-126 pagsapaw ng Mavericks (33-31) sa Philadelphia 76ers (40-22).
Sina Doncic at Irving ang naging unang Dallas teammates na kumamada ng nasabing numero sa iisang laro.
Sa San Antonio, tumipa si Jeremy Sochan ng 22 points at 13 rebounds para sa kanyang unang career double-double sa 110-99 pagdaig ng Spurs (16-47) sa Indiana Pacers (28-36).
Sa Washington, nagsalpak si Kyle Kuzma ng 30 points kasunnod ang 25 markers ni Kristaps Porzingis sa 119-108 paggupo ng Wizards (30-32) sa Toronto Raptors (31-33).
- Latest