Diay iniluklok sa Hall of Fame
MANILA, Philippines — Malaki ang naging kontribusyon ni legendary sprint queen Lydia De Vega sa Philippine sports noong dekada 80 at 90.
Kaya naman karapat-dapat itong iluklok sa Hall of Fame sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night na gaganapin sa Marso 6 sa Grand Ballroom ng Diamond Hotel.
Ngunit hindi na mahahawakan pa ni De Vega ang kanyang Hall of Fame trophy matapos sumakabilng-buhay noong Agosto dahil sa sakit na cancer.
Sa kanyang kapanahunan, kinatatakutan si De Vega na itinuturing na reyna sa sprint dahilan para tawagin itong Asia’s Sprint Queen.
Kinilala itong fastest woman in Asia noong 80s matapos makasikwat ng ginto sa women’s 100-meter event sa 1982 Asian Games sa New Delhi, India at sa 1986 Asian Games sa Seoul, South Korea.
Nadiskubre si De Vega sa Palarong Pambansa at naging produkto ng Project Gintong Alay.
Nauna itong nakilala nang masungkit ang back-to-back gold medals sa 200-meter at 400-meter events sa 1981 Southeast Asian Games sa Manila.
Ilang dekada ring pinagreynahan ni De Vega ang naturang mga events sa SEA Games, Asian Athletics Championships at Asian Games.
Sa kabuuan, nakasungkit si De Vega ng siyam na ginto sa SEA Games, apat sa Asian Athletics Championships at dalawa sa Asian Games.
Huling nasilayan sa publiko si De Vega noong 2018 sa Philippine Sports Hall of Fame induction at bilang isa sa flag bearers noong 2019 Philippine SEA Games.
- Latest