Buhain nanawagan ng pagkakaisa sa Philippine swimming
MANILA, Philippines — Nanawagan ng pagkakaisa kahapon si swimming legend at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain sa lahat ng mga swimmers at swimming groups para sa iisang layuning makakuha ng gold medal sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo 5-17.
Tinanggal kasi ng FINA, ang world swimming body, ang pagkilala sa Philippine Swimming Inc. (PSI) bilang miyembro dahil sa mga reklamo ng mga Philippine swimming stakeholders.
Sa pakikipagtulungan sa Asian Swimming Federation (ASF) ay binuuo ng Stabilization Committee ang selection criteria para sa national tryouts sa swimming gayundin sa water polo at diving sa Pebrero 16-19 sa Clark Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
“Kalimutan na natin ang animosity. Magkaisa na tayo para sa iisang layunin na magkaroon ng tunay na development sa ating sports,” ani Buhain sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Philippine Sports Commission (PSC) Executive Lounge sa Rizal Memorial Sports Complex.
Mismong ang ASF ang nangasiwa sa training ng may 60 technical officials na siyang hahawak sa nasabing tryouts.
“Huwag nating sayangin ang pagkakataon. Ang importante looking forward na tayo. Nakikita na natin ang kinabukasan ng ating mga swimmers at ng sports,” dagdag ng two-time Olympian at SEA Games record-holder.
Ang swimming events sa 2023 Cambodia SEAG ay ang men and women’s 50, 100, 200, 200, 800 at 1,500 meters freestyle; 50, 100 at 200 meters butterfly, backstroke at breaststroke at 200 at 400 individual medley.
- Latest