Nelle gagamitin ang final year sa DLSU
MANILA, Philippines — Desidido si Evan Nelle na maglaro para sa De La Salle University sa kanyang final eligibility year sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament.
Bagong coaching staff ang ipaparada ng Green Archers matapos pangalanan si Topex Robinson bilang head coach ng Taft-based squad.
At naniniwala si Nelle na mas lalo pa itong mag-iimprove sa ilalim ng paggabay ni Robinson.
Excited na si Nelle na makasama si Robinson sa paghahanda ng Green Archers para sa susunod na season ng liga.
“I’m excited to be under him. And I’m thankful when he said that he needs me,” ani Nelle.
Maraming natatanggap na positibong opinyon si Nelle sa pagpasok ni Robinson sa kanilang tropa.
Kabilang na rito ang mga aral na matututunan nito sa veteran coach.
“It’s good for my career. They are telling me that I will learn a lot from him” pahayag pa ni Nelle.
Kaya naman nais nitong maging magandang ehemplo para sa mga rookie at sophomore players ng La Salle.
Nais ni Nelle na mag-iwan ng magandang alaala sa Green Archers bago nito lisanin ang kanilang kampo.
Sa Season 85, nagtala si Nelle ng averages na 12.0 points, 6.0 assists, 4.83 rebounds at 1.67 steals kada laro.
Hindi ito ang unang pagkikita nina Robinson sa isang liga.
Parehong nasa NCAA ang dalawa noong mga nakalipas na taon kung saan naglalaro pa si Nelle para sa San Beda habang head coach si Robinson ng Lyceum.
- Latest