Brownlee magiging abala sa Gilas Pilipinas
MANILA, Philippines — Inaasahang magiging abala agad si Justin Brownlee tampok ang mabibigat na responsibilidad matapos maging opisyal na Filipino citizen at dagdag na naturalized player ng Gilas Pilipinas.
Hindi pa man din tapos ang kampanya para sa Ginebra sa ongoing na PBA Commissioner’s Cup, walang pahi-pahinga para kay Brownlee na namumurong maging reinforcement ng Gilas sa dalawang sunod na torneo.
Kamakalawa ay pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 11937 na naggagawad ng Filipino citizenship sa kanya sa pamamagitan ng naturalization – bagay na nagbigay daan sa kanyang role bilang pinakabagong Gilas player.
At masusubok agad ang kilatis ng resident Barangay Ginebra import para sa Gilas na iho-host ang Jordan at Lebanon sa ikaanim at huling window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero 24-27.
Gaganapin ito sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan bilang test event ng Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa mismong World Cup hosting sa Agosto hanggang Setyembre.
Pagkatapos noon, si Brownlee din ang inaabangang maging pambato ng Gilas para sa misyong makaganti sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo bagama’t wala pang opisyal na pool ang SBP.
Gigil ang Gilas na mabawi ang gintong medalya matapos yumukod sa Indonesia noong nakaraang taon para sa unang silver medal ng Pilipinas sa centerpiece basketball event simula 1989.
- Latest