Isa na lang sa Gin Kings
MANILA, Philippines — Hindi na pumayag ang mga Gin Kings na muling makawala sa kanila ang pagkakataong makalapit sa pagkopo sa korona.
Itinagay ng Barangay Ginebra ang 101-91 panalo sa Bay Area sa Game Five ng 2022-2023 PBA Commissioner’s Cup Finals sa harap ng 21,823 fans kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagposte si Best Import Justin Brownlee ng 37 points, 8 rebounds, 4 blocks, 3 steals at 2 assists para igiya ang Gin Kings sa 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng Dragons.
Nagsalpak naman si Stanley Pringle ng dalawang sunod na triples sa krusyal na bahagi ng final canto at tumapos na may 20 points para sa pagresbak ng Ginebra.
“It’s a tough route. They’re really a well-coached and well-disciplined team.” ani coach Tim Cone sa Bay Area ni mentor Brian Goorjian na nakahugot kay Hayden Blankey ng 29 points kasunod ang 16 markers ni Kobey Lam.
Matapos kunin ang 54-43 halftime lead ay humarurot ang Gin Kings sa third period para ilista ang 18-point lead, 76-58, mula sa triple ni Pringle sa huling 2:44 minuto nito.
Muli nila itong itinarak sa 87-69 sa 8:16 minuto ng fourth quarter galing sa three-point play ni Best Player of the Conference Scottie Thompson.
Hindi naman sumuko sa laban ang Dragons at nakalapit sa 86-91 sa huling 2:18 minuto ng laro sa likod nina Blankey, Lam at Zheng Qilong.
Kumonekta si Pringle ng dalawang dikit na tres na nagtaas muli sa Ginebra sa 97-86 kalamangan sa natitirang 1:32 minuto ng bakbakan.
Tuluyan nang sinelyuhan ni Japeth Aguilar, tumapos na may 12 points, 6 blocks at 6 rebounds, ang panalo ng crowd favorites nang isalpak ang isang dunk sa huling 58 segundo.
- Latest