Rambol nauwi sa barilan: 4 sugatan
PANDI, Bulacan, Philippines — Humantong sa rambulan at pamamaril sa apat katao kabilang ang isang sundalo ang masaya sanang pagsalubong ng Bagong Taon sa Brgy. Cacarong Matanda ng nasabing bayan.
Sa paunang report na tinanggap ni Lt. Col. Gilmore Wasin, Chief of police ng Pandi PNP, kinilala ang mga tinamaan ng pamamaril na sina Benjamin Biros, 40-anyos; Pvt Lester James Domingo, 23-anyos; Rolando dela Cruz Jr, 32-anyos at Xenia Jane Perez, 39-anyos, kapwa residente sa nabanggit na lugar.
Nakilala naman ang tumakas na suspek na si alyas Dominador Salvania nasa hustong gulang na armado ng cal.45 habang arestado naman si Jaenny Salinas, 43-anyos, dating OFW, tubong Pagadian City.
Base sa report ng mga awotidad, una nang nagkaroon ng rambulan ang mga kabataan dahil umano sa “Boga” ganap na alas-11:50 ng hatinggabi.
Nabatid na umawat lamang ang apat na biktima sa away ng mga kabataan nang bigla na lamang lumabas ng bahay ang suspek at agad na nag-warning shot.
Dahil bagong gising umano si Dominador, inakala nito na susugurin siya ng mga biktima dahilan para mamaril ito ng walang habas.
Bunsod nito, agad naglunsad ng Oplan Bandilo at manhunt sa lugar kung saan pinuntahan ang tinutuluyan ng suspek subalit pinagsarahan sila ng pintuan ni Salinas na matalik na kaibigan ng asawa ni Dominador na posibleng nagpatakas sa salarin.
Bukod dito, sinasabi ng mga pulis na may standing warrant of arrest na Frustrated Murder ang suspek sa Tondo, Maynila at paglabag sa 10591o ang pagdadala ng baril na walang lisensya.
Samantala nasa ligtas nang kalagayan sa Bulacan Medical Center ang mga biktima habang inihahanda na ang isasampang kaso laban sa mga suspek.
- Latest