Amer pumirma ng 1-year deal sa Bossing; Euro vet kinuhang import ng Hotshots
MANILA, Philippines — Isusuot pa rin ni Baser Amer ang uniporme ng Blackwater sa susunod na taon.
Ito ay matapos pumirma ang veteran guard ng isang one-year contract sa Bossing ni coach Ariel Vanguardia.
Maagang nasibak ang Blackwater sa elimination round ng 2022-2023 PBA Commissioner’s Cup sa naitalang 3-9 kartada kasama ang anim na sunod na kamalasan.
Nakalasap ang Bossing ng 97-116 kabiguan sa Rain or Shine Elasto Painters sa pinakahuli nilang laro sa eliminasyon.
Inaasahang muling pamumunuan ni Baser ang kampanya ng Blackwater sa 2023 PBA Governor’s Cup.
Samantala, kinuha ng Magnolia si European veteran Erik McCree sa kanilang pagsabak sa season-ending conference na posibleng buksan sa Enero 22.
Kumampanya ang 29-anyos na si McCree sa Europe para sa VL Pesaro (Italy), BCM Gravelines-Dunkerque (France), Bakken Bears (Denmark), Peristeri (Greece) at Gaziantep Basketbol (Turkey).
Sumalang rin ang produkto ng Louisiana Tech sa Sioux Falls at Salt Lake City Stars sa NBA G League at saglit na nakapaglaro para sa Utah Jazz sa NBA sa 2017-18 season.
Yumukod ang Hotshots, ipinarada si Best Import Mike Harris, kay Tony Bishop at sa Meralco Bolts sa Game Five ng kanilang semifinals series sa nakaraang PBA Governor’s Cup.
- Latest