Yulo itinanghal na 2022 GAP-KG
MANILA, Philippines — MVP Sa likod ng pambihirang performance ngayong taon, pinarangalan si Carlos Edriel “Caloy” Yulo bilang pinakamagaling na gymnast sa Awarding Ceremony ng KG Management at Gymnastics Association of the Philippines (GAP) bago mag-Pasko sa Heritage Hotel Manila sa Pasay City.
Kinilala ang 22-anyos na gymnast bilang GAP-KG MVP for 2022 matapos ang sandamakmak na medalya sa SEA Games, Asian at World Championships.
Sa parehong awarding ceremony, pinarangalan din si PLDT Inc. (PLDT) and Smart Communications Inc. (Smart) chairman Manny V. Pangilinan (MVP) bilang Sports Godfather dahil sa hindi matatawarang suporta sa Philippine sports at gymnastics tampok ang pagpapatayo ng MVP Sports Foundation Gymnastics Center sa Intramuros, Manila.
Si Yulo ang napili ng KG at GAP bilang natatanging gymnast ng taon matapos maghari sa 31st Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam dala ang limang ginto at dalawang pilak na medalya upang maging most bemedaled athlete doon.
Nilundag din ni Yulo ang tatlong gold at isang silver medal sa 9th Artistic Gymnastics Senior Asian Championships sa Doha, Qatar bago mag-uwi ng isang silver at isang bronze medal sa dekalibreng 41st FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Liverpool, England.
“Ngayong taon ay tunay na kuminang ang Philippine gymnastics. Hindi po ako makakarating dito sa kinatatayuan ko kung hindi dahil sa mga taong patuloy na sumusuporta sa akin. Magpu-pursige pa po ako pangakong di masasayang ang tiwala at suporta niyo. Let’s keep making our country proud,” ani Yulo na sinamahan ng kanyang pamilya sa naturang okasyon.
Kinilala din sa seremonya sina Filipina-American Aleah Finnegan matapos magwagi ng dalawang ginto sa SEA Games at trangkuhan ang Philippine women’s artistic gymnastics tungo sa dalawang silver.
Maging si Munehiro Kugimiya, ang Japanese mentor ni Yulo at ng national men’ artistic gymnastics team, ay pinarangalan pati sina Miguel Besana (MAG), Carl Joshua Tangonan (men’s aerobics), Charmaine Dolar (women’s aerobics) at Breana Labadan (rhythmic gymnastics).
- Latest