Letran aapela sa suspensyon ni Fran
MANILA, Philippines — Aapela ang nagdedepensang Colegio de San Juan de Letran upang makapaglaro si key player Fran Yu sa deciding Game Three ng NCAA Season 98 men’s basketball best-of-three championship series laban sa College of Saint Benilde.
Na-eject si Yu sa Game Two ng serye noong Linggo dahilan para awtomatiko siyang patawan ng isang larong suspensiyon.
Ngunit umaasa ang pamunuan ng Letran na mapagbibigyan ang kahilingan nila na maalis ang suspensiyon ni Yu at makapaglaro sa Game Three.
“Hopefully ma-lift iyong suspension. May appeal kami,” ani Letran assistant coach Jarren Jarencio sa kanyang pagbisita sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.
Matatandaang siniko ni Yu si Mark Sangco ng Benilde dahilan para bigyan siya ng disqualifying foul.
Nanalo ang Blazers sa Game Two para maipuwersa ang rubber match na lalaruin sa Linggo sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Gayunpaman ay naghahanda pa rin ang Knights na maglaro nang wala si Yu.
“Kahapon nag-adjust na kami sa practice. Nag-meeting na kami kung sino ang papalit kay Fran sa rotation sa offense at sa defense. Pero mas-okay kung makakabalik siya,” ani Jarencio.
Matapos ang Game Two ay naniniwala si Jarencio, ang anak ni NorthPort coach Pido Jarencio, na nasa kamay na ng Blazers ang momento.
“Ang maganda lang is one week ang break. Mapipigil ang momentum. Ganoon din ang nangyari sa amin after winning Game One,” ani Jarencio.
- Latest