Gilas final lineup tinukoy na ng SBP
MANILA, Philippines — Pinangalanan na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang final lineup ng Gilas Pilipinas na sasabak sa fifth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na idaraos sa Nobyembre 10 at 13 sa Middle East.
Nangunguna sa listahan si reigning PBA MVP Scottie Thompson kasama sina Ginebra teammates Japeth Aguilar at Jamie Malonzo, at San Miguel Beer standout CJ Perez.
Pasok din sina Japan B.League imports Bobby Ray Parks, Thirdy Ravena at Dwight Ramos gayundin sina naturalized player Angelo Kouame ng Ateneo de Manila University, Kevin Quiambao ng De La Salle University, at sina RR Pogoy, Calvin Oftana at Poy Erram ng Talk ’N Text.
Kasama rin sa listahan si Kai Sotto ng Adelaide 36ers.
Mula sa Australia, direkta nang magtutungo si Sotto sa Amman, Jordan.
Wala sa listahan si Kiefer Ravena na personal na nagpaalam na hindi muna ito maglalaro dahil sasailalim ito sa dental procedure.
Wala rin sina June Mar Fajardo, Chris Newsome, Carl Tamayo, Will Navarro, Arvin Tolentino at Francis Lopez.
Mapapalaban ang Gilas squad sa Middle East kung saan una nitong makakasagupa ang host Jordan sa Nobyembre 10 (Nobyembre 11 ng madaling araw sa Maynila).
Sunod na makakasagupa ng Pinoy cagers ang Saudi Arabia sa Nobyembre 13 (Nobyembre 14 ng madaling araw sa Maynila) sa Dammam, Saudi Arabia.
Parehong may 3-3 rekord ang Pilipinas at Jordan.
- Latest