Pinoy junior tankers palaban sa Southeast Asian Age
MANILA, Philippines — Hindi uuwing luhaan ang national junior swimming team sa 44th Southeast Asian Age Group Swimming Championship na idaraos sa Disyembre 17 hanggang 19 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ipaparada ng Pilipinas ang solidong 99-swimmer delegation kung saan sinala ang mga ito mula sa iba’t ibang local tournament ng Philippine Swimming Incorporated.
Kasama sa listahan ang mga beteranong swimmers na inaasahang magbibigay ng medalya sa bansa.
Nangunguna na sa listahan si Brent International School standout Micaela Jasmine Mojdeh na nagmamay-ari ng Philippine national junior record.
Malakas ang tsansa ni Mojdeh dahil malalim na ang karanasan nito sa international competitions.
Sa katunayan, umabot ito sa semifinals ng FINA World Junior Championships sa Lima, Peru.
Makakasama ni Mojdeh sa kampanya sina Philippine national junior record holder Jamesray Ajido, Joshua Ang, Gian Santos at Alex Eicher na pare-parehong may malakas na tsansang makahirit ng medalya sa kani-kanyang events.
Humakot si Ajido ng 10 ginto sa PSI Grand Prix National Finals habang kasalukuyang hawak nito ang pitong Philippine national junior records sa iba’t ibang events.
Kaya naman inaasahang magbibigay ito ng magandang laban sa SEA Age Championships kontra sa matitikas na tankers sa rehiyon kabilang na ang powerhouse Singapore, host Malaysia, Thailand at Vietnam.
Inaasahang magbibigay din ng medalya sina Filipino-British Heather White at Ruben White gayundin si Aishel Cid Evangelista na humakot ng medalya sa PSI Grand Prix National Finals.
- Latest