NYBL bagong liga para sa mga kabataan
MANILA, Philippines — Makatuklas ng mga bagong talento ang hangad ng bagong ligang National Youth Basketball League (NYBL) Inter-Cities and Provinces Championship na target masimulan sa Nobyembre 15.
Ito ang pakay ni NYBL founder Bhot Arimado kung saan nais nitong mabigyan ng tsansa ang mga batang basketbolista na may edad na 19 pababa na maipamalas ang kanilang husay.
“Dati, PBA lang ang pangarap at target ng mga kabataan sa professional league. Ngayon may MPBL na, may NBL at may 3x3 leagues,” ani Arimado.
Magandang daan ito para mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa mga respetadong eskwelahan ang mga bagitong cagers lalo pa’t mabibigyan ito ng tsansa na mascout ng mga UAAP at NCAA coaches.
“Nadagdagan pa ang opportunity dahil nabuksan na rin sa mga Pinoy players ang iba’t ibang pro league hindi lamang sa Asya pati sa buong mundo. Mas marami mas makalubuhan sa ating mga kabataan,” dagdag ni Arimado sa pagbisita nito sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Behrouz Persian Cuisine sa Quezon City.
Maraming PBA players ngayon ang natuklasan sa mga maliliit na liga sa iba’t ibang bansa.
“Actually, suwerte talaga ang mga kabataan ngayon. Hindi na limitado ang opportunity nila sa pro basketball career dahil maraming mapagpipilian at naghihintay sa kanila,” ani Oscar ‘Biboy’ Simon, coach ng Manila Team sa lingguhang forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), Pagcor at Behrouz Persian Cuisine.
Nilinaw ni Arimado na maaaring lumahok ang sinuman sa kanilang torneo.
Sa kasalukuyan, pitong teams na ang kumpirmadong didribol sa liga.
Nangunguna na ang Cavite, Antipolo City, Makati City, Batangas at Gumaca, Quezon.
- Latest