6 Pinoys lumapit sa KO stage ng US Open
MANILA, Philippines — Anim na Pinoy cue masters kabilang si defending champion Carlo Biado ang nagtala ng dalawang sunod na panalo sa qualifying round upang makalapit sa knockout stage ng 2022 US Open 9-Ball Championships na ginaganap sa Harrah’s Resort sa Atlantic City.
Mainit ang simula ni Biado na naglatag agad ng malakas na puwersa upang pataubin si Nikolim Dalbor ng Russia sa pamamagitan ng 9-1 demolisyon sa first round.
Sinundan ito ni Biado ng isa pang 9-1 panalo laban naman kay Kristina Tkach ng Russia sa second round.
Haharapin ni Biado sa third round si Joven Bustamante ng Amerika kung saan ang mananalo ay uusad sa knockout stage ng torneo.
Wagi rin sina Johann Chua, Lee Vann Corteza, Mhet Vergara, Roland Garcia at Roberto Gomez sa torneong may nakalaan na $50,000 para sa magkakampeon at $25,000 sa runner-up.
Pinataob ni Chua sina Brandon Stuff ng Amerika (9-6), at Nick Ekonomopoulos ng Greece (9-2) habang nanaig naman si Corteza kina Andre Finnigan ng Great Britain (9-0) at Marc Bijsterbosch ng Netherlands (9-5).
Nanaig si Vergara kina Cash Lance (9-4) at Pijus Labutis ng Lithuania (9-8), nanalo si Garcia kina Jeremy Seaman (9-7) at Sullivan Clark ng Australia (9-5), at nagwagi si Gomez kina Rich Walters ng Amerika (9-1) at John Morra ng Canada (9-8).
- Latest