Loyzaga tinapik na Chef De Mission sa 2023 Cambodia SEA Games
MANILA, Philippines — Si PBA legend at dating Philippine Sports Commissioner Chito Loyzaga ang napili ng Philippine Olympic Committee (POC) para maging Chef De Mission ng delegasyon sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Hinirang din ni POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sina Paolo Tancontian ng sambo at national canoe-kayak coach Len Escollante bilang deputies ni Loyzaga sa biennial event na nakatakda sa Mayo 5-16, 2023.
“Their handling of their respective national sports associations and their management skills make them deserving of the posts,” sabi ni Tolentino.
Nauna nang nagsilbi ang 64-anyos na si Loyzaga, ang kasalukuyang POC auditor, bilang deputy CDM noong 2010 Asian Beach Games sa Muscat, Oman.
Kamakalawa ay nag-alala si Tolentino sa pagdaragdag ng Cambodia ng ilang sports na pabor sa kanila para makakuha ng maraming gold medal sa 2023 SEA Games.
Kaya hinikayat ng POC chief ang mga national athletes na magsanay nang husto para makapasok sa gold medal round.
“It’s a big challenge for the Philippines to perform well, as well as the other countries, because of the number of sports favoring the host country. It will be very challenging,” ani Loyzaga.
Matapos tanghaling overall champion noong 2019 Manila SEA Games ay nahulog ang Pilipinas sa fourth place sa nakaraang 2021 edition sa Vietnam.
- Latest