Mabilis na naturalization process ng 2 imports hiniling ng SBP sa Senado
MANILA, Philippines — Kung mapapabilis ang proseso ay posible nang makalaro si Barangay Ginebra resident import Justin Brownlee para sa Gilas Pilipinas.
Pormal na hiniling kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang suporta ng Senado para mapabilis ang naturalization process ni Brownlee.
Isinama rin ni SBP president Al Panlilio sa kanilang request si NBA veteran Cameron Oliver na magiging import ng TNT Tropang Giga sa darating na 2022 PBA Commissioner’s Cup.
Sakaling maging naturalized player sina Brownlee at Oliver ay lalakas ang puwersa ng Gilas para sa 2023 FIBA World Cup na pamamahalaan ng Pilipinas kasama ang mga co-hosts na Japan at Indonesia.
Hanggang ngayon ay hindi pa makapaglaro si Fil-American guard Jordan Clarkson ng Utah Jazz sa Gilas bilang local player.
Tumayo si Clarkson na isang naturalized player sa pagsalang ng Gilas sa nakaraang fourth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers.
Hindi makakalaro si Clarkson sa pagsabak ng Gilas sa fifth at sixth window ng qualifiers sa Nobyembre at Enero dahil sa kampanya nito sa NBA season.
“At the time na hindi available si Jordan Clarkson, gusto natin lumalaban pa rin tayo na malakas ang team,” sabi naman ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes kina Brownlee at Oliver.
- Latest